Ang Buhay Pinoy
Ang Buhay Pinoy
umulan o umaraw
bumagyo at bumaha man
nakalutang pa rin ang ating
pagiging Pilipino.
Yan ang buhay ng isang Pinoy
Makulay at matalinghaga
Maraming hirap pero mas maraming ligaya
Maraming drama at marami ring halakhak
May pagsubok bawat araw na dumarating
May oras ng sayawan at sigawan
Maingay halos walang hinto sa paggulong ng panahon
Mabilis ang takbo sa mga masisipag
Walang pagasa sa mga tamad at palaasa
Ang buhay nga naman ng Pinoy
Masaya kahit walang pera
Pero lalong masagana kung may biyaya
Matamis, Matabang Maanghang, Mapait parang lutong Pinoy
Iba- iba ang panlasa sa pagtikim ng buhay Pinoy
Mabango kung masagana at Masangsang kung tagtuyo
Sa kabila ng malakas na ulan
Walang tigil na baha
Mapinsalang lindol
Mahal na bilihin, maliit na kita
Mga ganid na pulitiko
Ang buhay Pinoy ay sadyang pinagpala
Dahil may tiwala pa rin sa Dakilang lumikha
May lakas ng loob lumaban
Sa mga pagsubok ng kalikasan
Kahit kamatayan ay haharapin
Makamit lamang ang pangarap
Na mabuhay sa sariling bayan.
Pagkat ang tamis ng ngiti kahit kailanman
ay hindi maglalaho sa buhay
ng isang tunay na Pinoy.
Copyright by: Lourdes Briones Khan
Ang Kultura at Tradisyong Pilipino
Ang Kulturang Pilipino ay tunay na makulay at makabuluhan. Nababalot ito sa mga magandang asal na ating minana pa sa ating mga ninuno.
Magmula sa mga pamana ng mga kastilang mananakop hanggang sa makabagong kabihasnang Amerikano, ang tradisyong Pilipino ay puno ng mga magandang kultura na maari nating ipagmalaki sa buong mundo.
Maraming saling-lahi ang nagdaan at lumipas subalit narito pa rin ang mga pambihirang kaugaliang Pilipino na nagbibigay sigla at init sa ating pangaraw-araw na kabuhayan.
Magmula Aparri hanggang Jolo makikita ang mga ibang-ibang kulay ng ating kultura. Dito sa mga kadena ng kultura nakatali ang saloobin ng isang Pilipino.
Ating tunghayan….
Ang Piesta ng Bayan
Ang Fiesta o Piyesta- Karaniwang nagaganap sa buwang ng Mayo. Bawat lalawigan ay may ibat-ibang araw ng fiesta depende sa Santong nasasakupan. Ang piyesta ay minana natin sa mga Kastila kung saan nagmula ang ating relihiyong Romano Katoliko. Ito ay dinaraos taon-taon upang bigyang parangal ang mga santo sa ibat-ibang panig ng Pilipinas at pasalamatan sa mga masaganang ani ng taon.
Ang tradisyong Pilipino ay mayaman sa pakikipagkaibigan sa kapwa, pakikisama, pakikisalamuha at ang piyesta ay nabibigay kulay sa mga magandang kultura ng pakikipagkapwa tao. Mahirap man o mayaman sa oras ng piyesta, lahat ay nagsasaya at nakikibahagi sa bawat yugto ng pagdiriwang ng bawat bayan.